MAHABA PERO SANA BASAHIN NIYO
June 14, 2004
May mga sinasabi silang kabullshitan tungkol sa panaginip.Sobrang dami. Alin nga ba dun ang totoo? Hindi ko alam. Dpat pa bang tanungin? Hindi ba’t mas masarap nalang matulog ng tahimik, managinip, at gumising kinabukasan. Tama na yung mga pag-aanalyze na yan. Magnilay na lang tayo pare-pareho, tapos magpasalamat na nagising pa tayo, di ba?
Ang mga panaginip ko ay sarili kong mga short films. Astig, dahil ako lagi ang bida.Isipin mo, gabi-gabi laging may bago.Walang shooting, at di pa kailangan ng editing. Ang pinakamasarap ay laging may naiiwan na meaning. Personal at hanging ang ending. Ako at ikaw ang laging may call kung pano matatapos ang eksena. Pero duwag ang tao…walang ibang alam sabihin kundi, “CUT”.
Pira-piraso ang naiiwan sa kin pagdating ng umaga. Tamang choice cuts. Pero ilang tao nga ba ang nag-iisip pa at gumugulong sa kama para lang alalahanin ang huling panaginip nila? Gising- ligo dahil baka mahuli sa klase o sa opisina…Sayang ang panaginip, hindi nadigest ng husto. Hindi nagamit ang chansa para makatikim ng konting hiwaga.
Sagrado para sa kin ang mga panaginip ko. Award Winning at pang-oscars kung iisipin.Madalas mangyari sa kin nitong mga huling araw ang tinatawag kong “AWAKENING”. -Sa sobrang intense ng panaginip ko, ay hanggang sa reyalidad—napapa-iyak ako…Masarap na almusal ang pag-iyak.Lalo na kung hindi dahil sa pera o sa pu****nang pag-ibig…Masarap iyakan ang pagkalito, ang pagkawala sa sarili, ang pagka lost in translation…Yung tipong hindi mo alam kung bakit ka umiiyak, pero……masarap lang.
Nung June7, nanaginip ako. Napanaginipan ko si KRISTO. Nakatayo daw siya, at pinapalapit pa ko sa tabi niya. Ewan ko kung pano ko nakuha yung idea na pinapalapit niya ko. Hindi naman kasi siya nag-sasalita…Silent movie, ang isang to… Hypnotized ako nung mga oras na yun.Wala akong ibang magawa kundi ang lumapit. So yun… Kinuha niya yung kanang kamay ko, at pinahawak sa kin ang mga sugat niya. Dito sa eksenang to, nagsimula na kong umiyak…Alam kong nakatingin siya sa kin, pero ayoko siyang tingnan. Siguro ay dahil na rin sa hiya. Karamihan ng mga sugat na yun ay ayaw kong paniwalaan nung una, pero…pero pano ngayong nahahawakan ko na sila…
May isang malaking sugat sa may ilalim ng kanyang left rib.Malalim. Nung hinawakan ko yun ay…basta!pakiramdam ko ay namatay ako…Naniwala na lang ako. Ito yung isang panaginip siguro na kahit na anong relihiyon mo, ke muslim ka o katoliko, Buddhist o pagano—-maniniwala ka na lang. Mapapa-iyak ka na lang, mapapa-amo ka parang isang tupa…Iiyak ka nalang at mahihiya…Pagkatapos nun, naCUT ang eksena pero alam kong hindi ako ang sumigaw. Baka SIYA…
Umaga na pala.Bagong umaga. Nabigyan ako ng konti pang pagkakataon para isipin at himayin ang mga huling hibla ng panaginip ko. Yakap sa unan, at konting hatak pa sa kumot…Ang tanda- tanda ko na para sa ganito.Pero hindi rin! …dahil sa panaginip na to ay SANGGOL ako ulit. Rebirth.
Baduy, korni, senti, cliche,pucha bahala na kayo.Ang masasabi ko lang ay dahil sa panaginip na yun ay biglang nabigyan ng kahulugan yung iba pang panaginip ko…Kung bakit hindi ko makita ang sarili ko sa salamin, kung bakit hindi ko mahanap ang direksyon ko pauwi, kung bakit ako ganito ngayon.
Dahil sa panaginip ko nung June7, nalaman ko, at natutunan ko na ang panaginip ay hindi pala basta short film lang. Sila ay magagandang eksena na hindi maisplika ng utak ng tao. Hindi lohikal at teknikal. Hindi sila pambusog ng mata at utak. Pagkain sila ng kaluluwa ng tao… Naka-ayon sa ating pangangailangan. Hindi sa kung anong dapat nating malaman, pero sa kung anong dapat ay naiintindihan…