TANGLAW_TALA

NAGPAPA-ALAM NA SA AKIN ANG AKING KUWARTO

September 24, 2005

Bago siya umalis kagabi ay nasabi ko sa kanya na parang nakikita kong mahal siya ng kwarto ko…
Hindi ko alam kung bakit ko nasabi yon.Isang pakiramdam na biglang sumanib sa akin…
Walang paalam, basta na lang pumasok sa isip ko at nasabi na lang ng bibig ko…
Hindi na rin humingi ng dahilan ang pakiramdam na yon, at nung nasabi ko na ay wala lang, nasabi ko na…
Habang nag-iimpake siya ng gamit ay sinabi ko na parang naging parte na siya ng mga pader, na habang nasa loob ako ng kwarto ay tanging siya lang ang naaalala ko. At marahil ay naging kakampi na niya ang kwartong ito; na habang wala siya ay nagiging maliit na mundo ng lungkot at takot. Nakakaramdam ako ng pagtataksil dahil parang hindi ko na kinakayang mag-isa. Ang kwarto kong dati ay akin, ngayon ay naagaw na niya.

Naisip ko na para akong isang ligaw na estranghero sa sarili kong mundo. Kinukupkop na lang ako ng kwarto ko dahil sa awa.Lumayo ang pakiramdam namin sa isa’t-isa. At ngayon ay nakahanap na siya ng bagong tagapag-alaga…

Nasaktan ako sa naging reaksyon ng aking makinilya, na wala nang ibang ginawa kundi ang pag-usapan ay “siya”. Ang radyo kong naimpluwensiyahan na rin ng kanyang himig at musika, ngayon ay ayaw na ring makinig sa sariling boses ko at mga lumang plaka. Ang kama at unan ay tumitigas ‘pag hindi ko siya katabi; bale wala na rin ang kumot laban sa tuyong hangin. Nalulungkot ako sa pagtataksil ng mundo ko sa akin; ng kwarto ko. -Higit sa lahat, sa mga away at lambingan na bumabalik parang nangungulit na multo. Hindi na kuntento ang kwarto ko sa akin, at parang nahihirapan akong pasayahin siya ng mag-isa. Umuupa lang yata ako sa kwarto kong naagaw na niya…


To Tumblr, Love PixelUnion